KUNG AKO'Y MAGING DESAPARECIDO, INAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.



Kung ako'y maging isang desaparecido
Pilitin po ninyong hanapin ako, inay
Kung sakali mang tuluyang nawala ako
Ay makita man lang ang malamig kong bangkay.
Nawala man ako'y para sa pagbabago
Tangan ang prinsipyo't pangarap ko sa buhay
Isang marangal na libing po ang nais ko
At isang tula ko sa lapida'y ilagay.

Nagmamalaki akong ako'y aktibista
Na prinsipyado itong sinuong na landas
Na ang tumatahak nama'y pawang bihira
At karaniwan, ang tulad ko'y dinarahas.
Aktibista'y may pag-ibig sa kanyang kapwa
Kaya't nilalabanan ang sinumang hudas
Na sa bayan natin ay nagsasamantala.
Panlipunang pagbabago ang tanging lunas.

Akong inyong anak ay alam nyong lalaban
Sa anumang sistemang mapagsamantala
Mahal kong inay, nais kong inyong malaman
Isa ka po sa pinakadakilang ina
Sa mundong itong kaytindi ng karahasan
Dakila ka dahil tulad ni Birheng Marya
Ay inalay mo sa pagbago ng lipunan
Ang anak mo para sa paglaya ng iba.

N.B. Ang tula ay pinadala sa akin ng makatang si Greg V. Bituin, Jr. Isang pangamba sa mga nawawala sa ating lipunan at pag-alaala sa mga pinaslang na walang katarungan---AFM (September 16, 2008)

Blog Archive

Topics/Categories

Feedjit Live Blog Stats

Topics/Categories

Add to Technorati Favorites

Ateneo de Naga HS Batch 74

ABS-CBN News

GMA News.tv

Philippine Commentary

Inquirer Breaking News