PostHeaderIcon Kahit saan man, ang patis ay 'di malimutan

kwento ni Raniela (Miles) Barbaza

"May patis na kami!" Isang nakakatuwang kwento ng isang Ibalonian ng napunta siya at ang kanyang kapatid sa Gallup, New Mexico. Sa kalayu-layo ng Pilipinas, hanap-hanap pa rin nila sa dulo ng mundo ang patis na walang katulad.---mesiamd (11/29, 08)



"Tatlong taon na ang orosipong ito pero tulad ng ibinubulong ng matandang salitang Bikolnon para sa kwento – ang orosipon, hindi natatapos. Patuloy ang masayang kwento: ang ating orosipon." ---RB, November 28, 2008, New York City

Hindi ko alam sa inyo pero para sa amin ng kapatid kong si Isang hindi maaaring walang patis ang nilaga o sinigang. Imajinin nga ninyo – nilagang walang patis? Pede ba iyon? Sinigang na walang patis? Mas lalong hindi pede.

Halos dalawang buwan na kami dito sa Gallup, New Mexico bago kami nagkaroon ng patis. Kaming dalawa ang tinatawag na mga bagong salta. Nitong nakaraang August 10 lamang nang dumating kami dito sa Gallup, isang bayan na may isa’t kalahati hangga’t dalawang oras na biyahe ang layo mula sa Albuquerque.



Noong unang linggo namin dito, sinubukan naming gawing Amerikano ang aming tiyan. Tutal, pagyayabang namin sa sarili namin, sanay naman tayong kumain ng Jollibee at Mcdonald’s sa Pilipinas. Sige, wheat bread at palaman. Pero hindi namin nakumbinsi ang aming mga tiyan. Sari-saring tunog ang nililikha ng mga tiyan namin. Brrrrrrrg. Mrrrrngk. Pop. Parang nagmumumog o kumukulog o pumuputok na mga tunog ang maya’t maya’y naririnig namin mula sa mga tiyan namin.

Nang maglaon, tiyan na namin ang hindi mapakanali. Okey. Suko na kami. Kailangan namin ng kanin at ulam! Sumugod kami sa nilalakad lang namin na supermarket (wala kaming kotse). Diretso sa aisle ng bigas. Ok. Hayun, rice. Isang maliit na supot lang? Di bale. Sige. Ano pa. Ulam.

Anong ulam natin? Nilagang baka para may mahigop na sabaw (nilalamig na agad kami kahit na summer pa daw dito). Ok. Beef stew cuts. Ito na siguro iyon. Tapos repolyo. Patatas. Carrots. Beans. Saging saba… walang saging na saba?! Ok, di bale. Sibuyas. Tsek. Patis na lang.

Ah, ok sa condiments na tayo. Wala. Fish sauce. Hanap tayo ng fish sauce. Saan? Baka kakaiba lang ang bote dito ng patis. Diyan sa shelf na iyan? Teka baka dito. Wala. Walaaaa.

Doon namin naalala na usapin rin ng identidad ang panlasa. Pero, siyempre pa, ang identidad ay likha ng taga-ngalan. Kailangang ikonteksto ang paghahanap ng patis sa pananaw ng mga tagarito sa New Mexico. Sa madaling salita, sino ba kami sa pananaw ng mga taga-rito?

Pinilit naming kalimutan na, basta tao kaming nagugutom. Alalahanin ang mga form na sinusulatan. Please check ethnicity (optional). Oriental. Asian. Minsan may tiyak na box para sa Filipino. O kaya, doon ka sa mga walang identitad: other. Ok, sikapin na alalahanin hanapin ang karatulang may tanda ng identidad.

Dahil iniisip namin tiyak na may patis dito, kailangan lang nating matuklasan kung nasaang aisle. May iba naman sigurong mga Pinoy dito. Siyempre mangangailangan din sila ng patis. Elementary economics ba iyon ? Ang alam ko, kung may demand, may supply. Natitiyak naman namin na magdedemand ang mga dila ng mga Pinoy dito ng patis, kaya mayroong magsu-supply. Luminga-linga kami. Binasa ang mga karatula sa itaas ng mga aisle. Talagang wala. Walang Oriental food. O Asian food. O International food. Ooops eto, Chinese food! Preno kami ng kapatid ko. Dalawang shelves na may habang tatlong piye siguro. Pero walang patis. Walaaang patis! Bumili na lang kami ng toyo sa isang kakaibang bote.

Kinabukasan, ibinalita sa akin ni Isang na ang sabi ng kaniyang katrabahong Chinese, sa Albuquerque pa raw sila namimili ng oriental food. Whooaah! Sa Alburqeurque pa? Para sa aming mga bagong saltang walang kotse, para na rin nilang sinabing sa Pilipinas pa makakabili ng patis.



Pero tulad ng iba pang malilit na bahagi ng buhay migranteng bagong salta, unti-unti nasanay na rin kaming magluto ng nilagang toyo ang pampaalat. Nasanay na rin kaming umasa sa microwave na nabili namin sa halagang $10 sa isang yard sale: pampainit ng tubig, ng kaning lamig at tirang ulam.

Nasanay na kaming gumamit ng mainit na tubig sa pagligo sa halip ng dati ay hinahanap-hanap na malamig na tubig na pampaalis ng banas sa Pilipinas. Nasanay na kaming ulit-ulitin ang aming sinasabi hanggang sa maintindihan ng kausap. Ng pagbigkas ng salitang bank na halos behnk. Ng pagdala ng jacket saan man pumunta dahil hindi nangangahulugang mainit ang panahon kahit na tirik na tirik ang araw. Ng pagbitbit ng tigalawang galon ng inuming tubig mula sa supermarket. Ng matitigan dahil sa kakaibang itsura o pananalita.

Naiintindihan siguro ng Diyos ang paghahanap namin sa patis. Isang araw, tumawag ang Uncle Romy namin mula sa Norwalk, California. Oy, mga bagong saltang dalaga. May pupunta diyan na mga Pinoy na madre. Pitong taon na sila diyan sa Gallup. Ipinagbilin ko kayo.

Mga madreng misyonero na nagtuturo sa Catholic School dito sa Gallup. Na tulad ng ibang migrante dito, natutong mag-drive! Dinala nila kaming magkapatid sa Philippine Cuisine, isang bagong Pilipinong restaurant daw na may ilang bilihing Pilipino.

Ah! Para kaming mga batang nakakita ng mga kendi. Bumili kami ng patis, toyo, suka (hindi distilled ha!), balat ng lumpiang shanghai, tumigas na sa lamig na tilapia, tinapa at bihon!

Sa katunayan, hindi naman pala kami nag-iisa sa pananatiling Pinoy ng panlasa. Sinubukan kong i-Google minsan ang humba dahil naalala ko ang masarap na pork humba sa Rodic’s sa eskwelahang pinangungulilahan ko.

Aba! Sandamakmak na blogs at sites ang umapir! Pinoy. Pinay. Kung saan-saan. Nananatiling Pinoy at Pinay nasaan man sila ngayon. Nagpapayabangan ng mga alam na nilang lutuing Pinoy na dati-rati’y hindi pinapansin ang pagluluto at basta na lamang kinakain sa kusina ng kanilang lola/lolo o nanay/tatay o sa kalapit na karinderia.

Kaya ngayong tanghalian, habang balot ng medyas, pajama at sweater, hinihigop namin ang mainit na sinigang na mayroon nang patis. Ang tanong naming dalawang bagong migrante ngayon: anong bahagi ang hindi matitinag sa pagiibang bayan? (Photo Credits: Chboogs; nikita2471; Chotda; Jab58; www.tastingmenu.com; chotda; nikita2471; knottypine)=0=

Blog Archive

Topics/Categories

Feedjit Live Blog Stats

Topics/Categories

Add to Technorati Favorites

Ateneo de Naga HS Batch 74

ABS-CBN News

GMA News.tv

Philippine Commentary

Inquirer Breaking News