PostHeaderIcon Floro E. Balce: Iskolar ng Bayan (Last Part)

"Nahirapan talaga kaming intindihin ang personalidad ni Floro, 'he was really a study in contradictions,'" ani Bing.  Isipin mo, ang sipag gumanap ng mga trabahong alam naman niyang bahagi ng ND movement, pero pag kinulit mo tungkol sa pormal na pagpapaloob sa ND organization ay ayaw naman.  Ang sabi pa niya, mas advantageous daw ang 'non-card bearer'."

"Naisip nga namin, siguro dahil may kapatid siya sa military, kaya nagdadalawang-llob sa pagsapi sa ND movement.  Sumuko na nga ako pagkatapos ng apat na buwang walang humpay na pangungumbinsi.  Kaya nang marecruit namin siya sa natdem noong Setyembre 1975 at pumaloob sa Partido Komunista noong November 1976 ay apaw talaga ang galak sa puso ng mga kasama.  Isipin mo, mula 1974 namin siya inumpisahang organisahin."

Vintage Floro...hindi conventional mag-isip.  Matagal magproseso ng desisyon ngunit masinop.  Mahirap kumbinsihin, pero pag nakumbinsi at sumagot nang oo, ay di umaatras.  Iyan si Floro, na noong Pebrero 1978, nasa ika-apat na taon sa pag-aaral ng BS Electrical Engineering sa UP ay nagpasyang tumungo sa kabundukan at maging mandirigma ng bayan na ikinabigla ng maraming kaibigan at kamag-aral.

"Totoo na aktibong-aktibo siya sa mga gawain sa kilusan.  In fact, malaki ang naging papel niya sa KM organizing sa hanay ng mga Bikolanong estudyante sa UP noong 1975-76, naging miyembro siya ng Bikol Liaison Group/STU sa Kamaynilaan noong 1976, at naging 'full-time cadre' siya noong 1977.  Pinagtiyagaan niya mula 1977 hanggang early '78 ang pinakamainit na Bikol-STU group sa Manila-Rizal," paglalahad ni Bing.  "Pero hindi ko rin ini-expect na kagyat siyang lalahok sa armadong pakikibaka.  Inalaska ko pa nga, na baka naman broken-hearted lang siya kaya aalis.  Hindi raw...sigurado at desidido siya."

Maging ang mga magulang at kapatid ni Floro ay nagulantang nang malamang sumapi na ito sa New People's Army.  Sabi nga ni Gerardo, nagpaalam pa sa kanya si Poloy na uuwi sa Bikol...pagkatapos ay nabalitaan na lamang niya na nasawi ito sa isang engkuwentro.

Marahil ay si Floro lamang ang higit na nakauunawa sa kanyang desisyon.  Sabi nga niya kay Bing, "I have come to terms with my life, my questions regarding the revolutionary struggle have been sufficiently answered, I know what I want...to be with the masses in the hills."

Pagdating ni Floro sa Bikol noong Pebrero 1978 ay idineploy siya ng pamunuan ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa Partido area.  Naging kasapi siya ng Mass Work Team, isang semi-legal team na ang pangunahing gawain ay balikan ang lumang base sa Camarines Sur nina Kumander Tangkad/Romulo Jallores.

Masikhay na nakipamuhay si Floro sa mga magsasaka ng Partido area.  Masigasig na ipinagpatuloy ang kanyang gawaing pag-oorganisa at edukasyon sa hanay ng mga magsasaka't magbubukid sa teritoryo.

Ang mga samu't saring kuwento ng mga kasama at masang nakasalamuha niya sa sonang gerilya ay nagpapatunay kung gaano kasigasig si Floro sa pagganap sa kanyang mga gawain at tungkulin sa kilusan...na hindi nito ininda ang mga 'petty bickerings' sa kolektibo niya...na lagi itong masaya at nagbibiro.  Natuto rin itong magluto na dati ay di niya type gawin.  Nakahiligan rin nito ang pagsusulat ng tula at binabasa tuwing may programa sila, di nga lamang naitago ang mga ito.

Sa isang sulat niya kay Bing ay nasabi nitong sa hinaharap ay nais niyang magtayo ng paaralan para sa mga bata sa bundok.  Ani Floro: If I can teach little children the values of kindness and nationalism, then that would be pure happiness on my part."  Kung noong araw ay hindi siya mapakanta sa Ibalon, sa bundok ay kumakanta siya habang tinuturuan ang mga bata.

"Maganda ang relasyon ng yunit na kinabibilangan ni Floro sa masang inoorganisa sa teritoryong saklaw nila." paglalahad ni Bing.  "Malakas ang suporta ng masa sa kanila.  Kaya nga lamang, ang Partido area ay kinonsentrahan ng military operation ng AFP.  Ang policy na 'supression and encirclement' ay ginamit sa kanila.  Kasabay nito ay nagpakawala ng 'ahente' o espiya ang AFP sa lugar at sino mang makapagturo ng NPA ay binibigyan ng pabuya."

Bunga ng sunud-sunod na operasyon ng kaaway at kasalatan sa gamit-military ay nadepensiba ng husto ang yunit nina Floro hanggang matirhan na lamang sila ng tatlong baryo sa boundary ng Tigaon at Goa.

"Sa kalagayang 'compromised' na ang seguridad ng yunit ay nagreconcentrate sina Floro noong Hulyo 30, 1978 sa isang lugar sa boundary ng Tigaon-Goa," ayon pa kay Bing.  "Nagpulong sila at nagpasyang magmove-out kinabukasan.  Ngunit bandang alas sais ng gabi ay nakubkob sila ng PA unit na pinamumunuan ni 1Lt. Malali, isang Muslim officer na dating kasapi ng MNLF."

Isa si Floro sa tatlong NPA na tinamaan sa naganap na pangungubkob ng militar.  Siya ang unang tinamaan ng bala dahil kalalabas pa lang niya sa payag (kubo) na pinagpupulungan nila.  Nakuha ng mga sundalo ang kanyang sugatang katawan at dinala sa kampo nila sa Bgy. Caraycayon, Tigaon, Camarines Sur.

Namatay si Floro sa pagitan ng alas otso at alas nuwebe ng gabi noong Hulyo 30, 1978...sa mismong araw ng kanyang kapanganakan sa edad na 23 taong gulang.  Bago siya nalagutan ng hininga ay naibigay niya sa mga sundalo ng PA ang kanyang tunay na pangalan, pangalan ng kanyang mga magulang at lugar na pinanggalingan.

Matapos ang isang araw ng pagbuburol sa munisipyo ng Tigaon ay ipinalibing ng mga sundalo ang bangkay ni Floro sa Tigaon Cemetery.  "Hinawak-hawakan pa raw ng Mayor ang kamay ng anak ko...sinabing sayang, bago pa lamang ito sa bundok."

Pagkalipas ng tatlong taon ay saka pa lamang naiuwi ang labi ni Floro sa Daet, Camarines Norte...

"Noong 1981 lamang namin nakuha ang labi ni Poloy sa Tigaon Cemetery.  Ayaw kasi itong ipahukay at ipadala sa mga kapatid niya noong puntahan ito noong Agosto 15, 1978.  Nangangamoy na raw dahil 15 araw nang nakalibing.  Pero kung kasama ako noon sa pagkuha ay hindi ako papayag na di madala ang bangkay ni Poloy dito sa Daet para mabigyan namin ng maayos at marangal na libing.  Kung nalaman lang sana kaagad namin ang pagkamatay niya." ang sabi ni nanay ni Floro.

"Huwag ka nang malumbay Inang Pilipinas                                                                                                 Kahit na may ilang anak kang malagas                                                                                                       Moog nating bakal sa kubling likuran                                                                                                         Ang mga bukirin ay isang katiyakan                                                                                                           Uring mapang-api ating ibabagsak                                                                                                             At mailalatag ang mapulang bukas,"

(Mga may-akda: Antonio A. Ayo, Jr. at Ma. Leny E. Felix; halaw sa "Pulang Hamtik")

Blog Archive

Topics/Categories

Feedjit Live Blog Stats

Topics/Categories

Add to Technorati Favorites

Ateneo de Naga HS Batch 74

ABS-CBN News

GMA News.tv

Philippine Commentary

Inquirer Breaking News