PostHeaderIcon Floro E. Balce: Iskolar ng Bayan (Part 2)

"Clear-cut ang plans ni Floro pagpasok niya sa UP.  Gusto niyang maging isang matagumpay na Electrical Engineer, at magpakadalubhasa sa propesyong ito," ayon kay Jake. "He was very serious in his studies, matiyagang mag-aral, at nagsusunog talaga ng kilay.  Mas bulakbol pa nga ako sa kanya.  Sabi nga namin, mukhang seryoso ngang talagang maging president ng Pilipinas ang taong ito.  Sabagay may 'K' naman siyang mangarap, di lang naman siya ordinaryong UP student, NSDB scholar pa...at basically hardworking."

Kasabay ng masikhay na pag-aaral ay todo-todo rin ang paglahok ni Floro sa mga 'extra-curricular activities.'  Sumapi siya sa UP Student Catholic Action (UPSCA) kung saan siya ay naging 'chairperson ng socio-cultural committee.'  Naging 'core group member' din siya ng Molave Kurahaw, isang organisasyon ng mga Bikolanong estudyante sa Molave Residence Hall noong 1973-75.

Noong itatag ang UP Ibalon, isang varsitarian organization ng mga Bikolanong estudyante sa UP noong Disyembre 1, 1974 ay kabilang siya sa 'charter members' nito.  Sa organisasyong ito inukol ni Floro ang malaking halaga ng kanyang buhay-estudyante.

Ayon kay Mar, "Floro was around the most difficult times of UP Ibalon.  He was there when the chips are down.  N'ung 1974 kasi ay nagkaroon ng problema sa UP Paglaom, ito ang pre-Martial Law organization ng mga Bikolano sa UP.  May mga pagkakaiba sa paniniwala at estilo ng pagpapatakbo ng organisasyon.  Ang differences na ito ay nauwi sa split kung saan na-polarize ang membership.  This polarization resulted to the formation of UP Ibalon by certain members na kabilang sa Floro.  Bandang huli ay nalusaw ang UP Paglaom...at mas lalong tumatag ang UP Ibalon."

"Mga dalawang beses rin siyang nag-inactive sa UP Ibalon dahil nainis siya sa 'leadership style' nung president namin at that time, pero kapagka in crisis ang Ibalon ay bumabalik siya para tumulong sa pagpatch-up ng mga gusot.  Sabi niya nung bumalik sa Ibalon, "dito na ulit ako, pagod na ako sa UPSCA, 36 balloting na kami, wala pa ring nahahalal na chairman.  "At that time kasi ay may split ang socdem at natdem sa UPSCA kaya matindi ang labanan sa eleksyon."

Pagsibol ng Bagong Pangarap

Sa gitna ng paglahok ni Floro sa iba't ibang aktibidad ng mga organisasyong kinabibilangan niya sa UP ay unti-unting nalalantad sa kanya ang 'reyalidad ng lipunang Pilipino.'  Nag-iwan ng sugat sa puso ni Floro ang ginawang dispersal, panggugulpi at damputan ng mga estudyante sa sinalihan niyang protest rally ng mga estudyante sa Avenida.  Ang mga exposure trips sa urban poor areas, picket lines ng mga manggagawa at pakikipagtalakayan sa mga magsasaka, ay nagdulot ng sigwa sa kanyang kalooban...nag-iba na ang pangarap ni Floro...katulad na ng pangarap ni Dr. Jose P. Rizal...

"Unti-unti nang nagtatanong si Floro," ani Bing, pinakamatalik niyang kaibigan at dating kakolektibo.  "Ang madalas niyang itanong sa gitna ng pakikipagkuwentuhan ay: "Bakit mas maraming mahirap kaysa mayaman? Bakit may mga rebelde? Bakit may Martial Law? Ano ang pwede kong gawin? Saan ako patungo?"

"Floro was practically caught in the midst of the turbulent '70s", ani Ted, dating kasamahan sa Molave Kurahaw.

Patuloy ngang namumuo ang sigwa sa kalunsuran at kanayunan noong 1973, taon ng pagpasok ni Floro sa UP.  Ang sigaw ng First Quarter Storm ay nag-aalimpuyo pa rin.

Si Floro, ayon kay Ted, ay katulad rin ng maraming estudyante sa UP noong 1970's, a regular guy, bookworm, mahilig mag-girl watching, nais maging engineer, magtrabaho at siyempre umasenso, kung pwede eh, yumaman...tumulong sa magulang...mag-asawa at magkaroon ng masayang pamilya, the usual dream eka nga.

"Kaya lang iba ang sitwasyon namin noon.  Wala 'yang ambience ng SM City na pinag-eenjoyan ng mga Peyups ngayon.  Kadedeklara pa lang ng Martial Law, thus the climate of fear and apathy was prevalent in the campus.  Pero dulot nga ng matinding kahirapan at karahasang bunga ng Martial Law, ay nagpatuloy ang daloy ng aktibismo sa UP campus.  Tuluy-tuloy pa rin ang teach-ins, demonstrations, rallies at kilos-protesta.  Sa ganitong 'atmosphere' nasalang ang buhay-estudyante ni Floro at nagkaroon ng bagong hugis ang kanyang mga pangarap."

Gayunpaman, matagal bago tuluyang pumaloob at tuluy-tuloy na lumahok sa national democratic movement si Floro.

"Floro was my most difficult recruit in the national democratic movement kahit na nga as early as 1973 ay exposed na siya sa ND elements," paglalahad ni Bing.  "May pagka-devil's advocate.  Puro whys...minsan nga napikon ako ng tanungin niya ako, 'paano mo masisisguro na people's democratic revolution (PDR) ang sagot sa feudalism, imperialism at fascism? Are you sure of your strategy and tactics? If you are sure, bakit natalo sa Isabela?"

Si Floro ay katulad din ng maraming aktibista noong panahon matapos ang FQS, o pagkatapos ideklara ang martial law--tanggap ang linyang anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista...pero ibang usapan pa ang pagyakap sa armadong pakikibaka bilang porma ng pakikibaka.

"Theoretically ay ready si Floro para sa natdem." banggit ni Bing.  "He was anti-fascist, anti-feudal, at anti-imperialist, pero hindi pa siya kumbinsido sa armed struggle.  He needed more time to reconcile his beliefs."

"Di naman kataka-taka na natagalan bago napaloob sa natdem organization si Floro," ani Igme, dati rin niyang kakolektibo.  May pagka-stubborn kasi siya sa paghold ng position on issues at hand.  He has this pride and belief in himself.  He may recognize that somebody is better than him, pero sasabihin niya, give me time.  Very frank talaga siya, not one who will hold back his feelings.  Kaya nga, palagi naming pinaghahandaan ang pakikipag-usap sa kanya, otherwise lalamunin niya kami sa sunud-sunod na pagtatanong at pakikipag-debate.  Eh, noong 1973-78 ay pahirapan talaga ang ND organizing.  Kailangan ay equipped ka amply with revolutionary theories and practice."

Sa kabila ng pagtanggi na pumaloob formally sa natdem organization ay patuloy na tumulong si Floro sa mga kaibigang natdems sa UP.   Tumulong siya sa pagsuri ng mga posibleng 'ahente ng kaaway upang mapangalagaan ang mga ND personalities sa Molave.  Gayundin, aktibo siya sa paghahanda ng mga placards at streamers para sa mga rallies, habang masigasig pa ring nag-aaral para sa kanyang mga exams.

(end of Part 2; mga may-akda: Antonio A. Ayo, Jr. at Ma. Leny E. Felix; halaw sa "Pulang Hamtik")

                  

 

Blog Archive

Topics/Categories

Feedjit Live Blog Stats

Topics/Categories

Add to Technorati Favorites

Ateneo de Naga HS Batch 74

ABS-CBN News

GMA News.tv

Philippine Commentary

Inquirer Breaking News