PostHeaderIcon Floro E. Balce: Iskolar ng Bayan (Part 1)


Hulyo 30, 1978

Isang 23 23 taong-gulang na binatilyong kasapi ng New People's Army ang nasawi sa isang "military encounter" sa pagitan ng Philippine Army na pinamumunuan ni 1Lt. Malali, at yunit ng New People's Army sa Tigaon, Camarines Sur...

Nang mabalitaan ng mga magulang at kapatid ni Floro na nabaril ito at nasawi sa isang 'military encounter' sa Tigaon, Camarines Sur ay tila tumigil ang pag-ikot ng mundo. Hindi sila makapaniwala na wala na ang kanilang mabait na si Poloy...ang kanilang bunso, na ayon sa kapatid nitong si Gerardo, ay nagpaalam lamang na uuwi sandali sa Bikol noong Pebrero 1978.

"Birthday ng anak ko nang siya'y mamatay. Hindi ko lubos na nauunawaan kun ano ang kanyang ipinakikipaglaban...basta't ang alam ko lang, napakamatulungin ni Poloy kaya siguro siya nagpunta sa bundok...gusto niyang tulungan ang mga tao doon..."

Ito ang tinuran ng nanay ni Floro, si Aling Vicenta, isang biyuda na sa edad na 81 taong-gulang ay kakikitaan pa rin ng liksi at sigla. Hanggang ngayon ay yakap-yakap pa rin niya sa kanyang puso ang mga alaala ng kanyang anak...si Floro Elep Balce, ang iskolar ng bayan...

Ang Simula

Ang kasaysayan ni Floro ay nagsimula sa araw ng kanyang kapanganakan noong Hulyo 30, 1955. Siya ay tubong Camarines Norte, isang lalawigan sa Bikol na mayaman sa kuwento ng mga kabayaniha. Dito sa lalawigang ito nagmula ang mga bantog na bayaning sina Jose Ma. Panganiban at Wenceslao Q. Vinzons.

Si Floro ay isinilang sa San Gregorio Village, Daet, Camarines Norte. Bunso siya sa pitong magkakapatid na karamihan ay nakapagtapos ng pag-aaral at maayos ang pamumuhay. Ang kanyang ama ay si Monico Balce, dating docket clerk ng Court of First Instance sa Daet, at ang kanya namang ina ay si Vicenta Elep-Balce, isang butihing maybahay na piniling propesyon ang pagiging 'full-time housewife & mother' sa kanyang asawa at mga anak.

Ang kinalakhang pamilya ni Floro ay payak ngunit hitik sa pagmamahalan. Sabi nga ng nanay ni Floro, pinalaki ito na busog sa pagmamahal at pag-aaruga kaya't maituturing na masaya ang kanyang 'childhood'.

Si Floro/Poloy, ayon sa kanyang mga kapatid na sina Gerardo, Hernanco, Antonio, Victor, Corazon at Leonor, ay mabait na bata at walang ibinigay na sakit-ulo sa kanila. Maliit pa ito ay bibong-bibo na kaya't palagi itong kalahok sa mga programa sa kanilang eskuwelahan, lalo na sa declamation at oratorical contests.

"Very simple, honest, hardworking at idealist si Floro," ani Jake, dating kaklase na ngayon ay isa nang executive sa isang kompanya sa Makati. "Puwede mo siyang bigyan ng loyalty award bilang kaibigan. Anumang oras ay laging handang tumulong!"

Isa pang matingkad na katangian ni Floro ay ang likas nitong sense of humor. "Joker ang tawag namin sa kaibigan kong iyon," ani Mar, ka-miyembro sa UP Ibalon. "Ang punchline nito kapagka tinatanong namin kung paano siya nakapasa sa NSDB scholarship ay ganito: " Nagkataon kasing may leakage sa hanay ng mga apelyidong nagsisimula sa N-Z kaya disqualified sila, eh. Balce ang apelyido ko kaya pumasa ako." Minsan naman ay tinanong ito ng roommate niya: "O, kumusta ang exam mo sa Physics? Ang sagot ni Floro ay: "Okay naman, nasa top ten ako, number 8...pero walo lang kami sa klase." Kahit sa gitna ng kagipitan ay nakukuha pa nitong magbiro. 'Favorite joke' niya sa gitna ng 'protest rallies' ang kapatid niyang si Hernando, isang Koronel sa Philippine Air Force, na namatay sa 'plane crash' sa Zamboanga noong 1981. Sabi ni Floro, "habang nagra-rally ako sa kalsada, iyong kapatid ko naman ay nasa ere at nambobomba ng mga raliyista."

(picture caption: Minsan may isang nagsabing,  "Anong malay ninyo kung maging presidente ako ng pilipinas."

Si Floro ay itinuturing na 'one of the brightest sons of Camarines Norte.' Consistent honor student siya mula elementarya, hayskul at kolehiyo. Siya ang valedictorian ng klase nang magtapos ng elementarya sa Abano Pilot Elementary School sa Daet noong 1969, at salutatorian nang magtapos ng hayskul sa Camarines Norte High School noong 1973. Gayundin, isa siyang iskolar ng National Science Development Board (NSDB) nang pumasok sa University of the Philippines sa kursong Bachelor of Science in Electrical Engineering noong 1973.

Hindi lamang sa 'academics' ipinakita ni Floro ang kanyang kahusayan, kundi maging sa 'co-curricular activities.' Naging lider siya ng Cub Scout at Boy Scout sa kanilang paaralan  noong elementarya. Noong high school ay naging aktibo din siya sa mga grupong aktibidad. Sumali siya sa 18th Provincial Rally ng 4-H Club noong Marso 15, 1970, at sa DMST PMT & WAS Provincial Seminar ng Camarines Norte High School noong September 17-22, 1973. Bunga ng ipinakita niyang kahusayan sa 'academics at co-curricular activities' ay pinarangalan siya noong nasa 3rd year high school siya, taong 1972, bilang 'model student for his exemplary character, creative abilities and special talents, scholastic standing, excellent health, and cheerful disposition" ng Children's Museum and Library, Inc.

(end of Part 1; mga may-akda: Antonio A. Ayo, Jr. at Ma. Leny E. Felix; halaw sa "Pulang Hamtik")

Blog Archive

Topics/Categories

Feedjit Live Blog Stats

Topics/Categories

Add to Technorati Favorites

Ateneo de Naga HS Batch 74

ABS-CBN News

GMA News.tv

Philippine Commentary

Inquirer Breaking News